Genesis
1 At binasbasan ng Dios si Noe at ang kaniyang mga anak, at sa kanila'y sinabi, Kayo'y magpalaanakin, at magpakarami at inyong kalatan ang lupa.
2 At ang takot sa inyo at sindak sa inyo ay mapapasa bawa't hayop sa lupa, at sa bawa't ibon sa himpapawid; lahat ng umuusad sa lupa, at lahat ng isda sa dagat, ay ibinibigay sa inyong kamay.
3 Bawa't gumagalaw na nabubuhay ay magiging pagkain ninyo; gaya ng mga sariwang pananim na lahat ay ibinibigay ko sa inyo.
4 Nguni't ang lamang may buhay, na siya niyang dugo, ay huwag ninyong kakanin.
5 At tunay na hihingan ko ng sulit ang inyong dugo, ang dugo ng inyong mga buhay: sa kamay ng bawa't ganid ay hihingan ko ng sulit; at sa kamay ng tao, sa kamay ng bawa't kapatid ng tao ay hihingan ko ng sulit ang buhay ng tao.
6 Ang magbubo ng dugo ng tao, sa pamamagitan ng tao ay mabububo ang kaniyang dugo: sapagka't sa larawan ng Dios nilalang ang tao.
7 At kayo'y magpalaanakin at magpakarami; magsilago kayo ng sagana sa lupa, at kayo'y magsidami riyan.
8 At nagsalita ang Dios kay Noe, at sa kaniyang mga anak na kasama niya, na sinasabi,
9 At ako, narito, aking pinagtitibay ang aking tipan sa inyo, at sa inyong binhi na susunod sa inyo;
10 At sa bawa't nilikhang may buhay na kasama ninyo, ang mga ibon, ang hayop at bawa't ganid sa lupa na kasama ninyo; sa lahat ng lumunsad sa sasakyan pati sa bawa't ganid sa lupa.
11 At aking pagtitibayin ang aking tipan sa inyo; ni hindi ko na lilipulin ang lahat ng laman sa pamamagitan ng tubig ng baha; ni hindi na magkakaroon pa ng bahang gigiba ng lupa.
12 At sinabi ng Dios, Ito ang tanda ng tipang ginawa ko sa inyo, at sa bawa't kinapal na may buhay na kasama ninyo sa buong panahon:
13 Ang aking bahaghari ay inilalagay ko sa alapaap, at siyang magiging tanda ng tipan ko at ng lupa.
14 At mangyayari, pagka ako'y magbababa ng isang alapaap sa ibabaw ng lupa, na makikita ang bahaghari sa alapaap.
15 At aalalahanin ko ang aking tipan, na inilagda ko sa akin at sa inyo, at sa bawa't kinapal na may buhay sa lahat ng laman; at ang tubig ay hindi na magiging bahang lilipol ng lahat ng laman.
16 At ang bahaghari ay pasa sa alapaap, at aking mamasdan, upang aking maalaala, ang walang hanggang tipan ng Dios at ng bawa't kinapal na may buhay sa lahat ng lamang nasa ibabaw ng lupa.
17At sinabi ng Dios kay Noe, Ito ang tanda ng tipang inilagda ko sa akin at sa lahat ng laman na nasa ibabaw ng lupa.
18At ang mga anak ni Noe na nagsilunsad sa sasakyan ay si Sem, at si Cham at si Japhet: at si Cham ay siyang ama ni Canaan.
19Ang tatlong ito ay mga anak ni Noe: at sa mga ito'y nakalatan ang buong lupa.
20At nagpasimula si Noe na maging mangbubukid, at naglagay ng isang ubasan.
21At uminom ng alak at nalango; at siya'y nahubaran sa loob ng kaniyang tolda.
22At si Cham na ama ni Canaan ay nakakita ng kahubaran ng kaniyang ama, at isinaysay sa kaniyang dalawang kapatid na nangasa labas.
23At kumuha si Sem at si Japhet ng isang balabal, at isinabalikat nilang dalawa, at lumakad ng paurong, at tinakpan ang kahubaran ng kanilang ama; at ang mukha nila ay patalikod, at hindi nila nakita ang kahubaran ng kanilang ama.
24At nagising si Noe sa kaniyang pagkalango sa alak, at naalaman ang ginawa sa kaniya ng kaniyang bunsong anak.
25At sinabi, Sumpain si Canaan! Siya'y magiging alipin ng mga alipin sa kaniyang mga kapatid.
26At sinabi niya, Purihin ang Panginoon, ang Dios ni Sem! At si Canaan ay maging alipin niya.
27Pakapalin ng Dios si Japhet. At matira siya sa mga tolda ni Sem; At si Canaan ay maging alipin niya.
28At nabuhay si Noe pagkaraan ng bahang gumunaw, ng tatlong daan at limang pung taon.
29At ang lahat ng naging araw ni Noe ay siyam na raan at limang pung taon: at namatay.