Mga Hukom - Judges
1 Ito nga ang mga bansang iniwan ng Panginoon, upang subukin ang Israel sa pamamagitan nila, sa makatuwid baga'y sa mga hindi nakaalam ng mga pagbabaka sa Canaan;
2 Nang maalaman man lamang yaon ng mga sali't saling lahi ng mga anak ni Israel, upang turuan sila ng pakikibaka, yaon man lamang nang una'y hindi nakaalam:
3 Ang nangabanggit ay ang limang pangulo ng mga Filisteo at ang lahat ng mga Cananeo, at ang mga Sidonio, at ang mga Heveo, na tumatahan sa bundok ng Libano, mula sa bundok ng Baal-hermon hanggang sa pasukan ng Hamath.
4 At sila nga upang subukin ang Israel sa pamamagitan nila, na maalaman kung kanilang didinggin ang mga utos ng Panginoon, na kaniyang iniutos sa kanilang mga magulang sa pamamagitan ni Moises.
5 At ang mga anak ni Israel ay tumahan sa gitna ng mga Cananeo, ng Hetheo, at ng Amorrheo, at ng Pherezeo, at ng Heveo, at ng Jebuseo:
6 At kinuha nila ang kanilang mga anak na babae upang maging mga asawa nila, at ibinigay ang kanilang sariling mga anak na babae sa kanilang mga anak na lalake, at naglingkod sa kanilang mga dios.
7 At ginawa ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng Panginoon, at nilimot ang Panginoon nilang Dios, at naglingkod sa mga Baal at sa mga Aseroth.
8 Kaya't ang galit ng Panginoon ay nagalab laban sa Israel, at kaniyang ipinagbili sila sa kamay ni Chusan-risathaim, na hari sa Mesopotamia: at ang mga anak ni Israel ay naglingkod kay Chusan-risathaim na walong taon.
9 At nang dumaing sa Panginoon ang mga anak ni Israel ay nagbangon ang Panginoon ng isang tagapagligtas sa mga anak ni Israel, na siyang nagligtas sa kanila, sa makatuwid baga'y si Othoniel na anak ni Cenaz, na kapatid na bata ni Caleb.
10 At ang Espiritu ng Panginoon ay sumakaniya, at siya'y naghukom sa Israel; at siya'y lumabas na nakibaka, at ibinigay ng Panginoon si Chusan-risathaim na hari sa Mesopotamia sa kaniyang kamay: at ang kaniyang kamay ay nanaig laban kay Chusan-risathaim.
11 At nagpahinga ang lupain na apat na pung taon. At si Othoniel na anak ni Cenaz ay namatay.
12 At ginawang muli ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng Panginoon: at pinatibay ng Panginoon si Eglon na hari sa Moab laban sa Israel, sapagka't kanilang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon.
13 At kaniyang tinipon ang mga anak ni Ammon at ni Amalec; at siya'y yumaon at sinaktan niya ang Israel, at kanilang inari ang bayan ng mga puno ng palma.
14 At ang mga anak ni Israel ay naglingkod kay Eglon na labing walong taon.
15 Nguni't nang dumaing ang mga anak ni Israel sa Panginoon, ibinangon sa kanila ng Panginoon ang isang tagapagligtas, si Aod na anak ni Gera, ang Benjamita, na isang lalaking kaliwete. At ang mga anak ni Israel, ay nagpadala ng isang kaloob sa pamamagitan niya kay Eglon na hari sa Moab.
16 At si Aod ay gumawa ng isang tabak na may dalawang talim, na may isang siko ang haba; at kaniyang ibinigkis sa loob ng kaniyang suot, sa kaniyang dakong kanang hita.
17At kaniyang inihandog ang kaloob kay Eglon na hari sa Moab: at si Eglon ay lalaking napakataba.
18At nang siya'y matapos makapaghandog ng kaloob, ay pinapagpaalam niya ang mga tao na nagdala ng kaloob.
19Nguni't siya nga ay bumalik mula sa tibagan ng bato na nasa piling ng Gilgal, at nagsabi, Ako'y may isang pasugong lihim sa iyo, Oh hari. At kaniyang sinabi, Tumahimik ka. At yaong lahat na nakatayo sa siping niya, ay umalis sa harap niya.
20At si Aod ay naparoon sa kaniya; at siya'y nakaupong magisa sa kaniyang kabahayan na pangtaginit. At sinabi ni Aod, Ako'y may dalang pasugo sa iyo na mula sa Dios. At siya'y tumindig sa kaniyang upuan.
21At inilabas ni Aod ang kaniyang kaliwang kamay, at binunot ang tabak mula sa kaniyang kanang hita, at isinaksak sa kaniyang tiyan:
22At pati ng puluhan ay sumuot na kasunod ng talim; at natikom ang taba sa tabak, sapagka't hindi niya binunot ang tabak sa kaniyang tiyan; at lumabas sa likod.
23Nang magkagayo'y lumabas si Aod sa pintuan, at sinarhan niya siya sa mga pintuan ng kabahayan, at pinagtatrangkahan.
24Nang makalabas nga siya ay dumating ang kaniyang mga alila; at kanilang nakita, at, narito, ang mga pintuan ng kabahayan ay nakakandaduhan; at kanilang sinabi, Walang pagsalang kaniyang tinatakpan ang kaniyang mga paa sa kaniyang silid na pangtaginit.
25At sila'y nangaghintay hanggang sa sila'y nangapahiya; at, narito, hindi niya binuksan ang mga pintuan ng kabahayan: kaya't sila'y kumuha ng susi, at binuksan; at, narito, ang kanilang panginoon, ay nakabulagtang patay sa lupa.
26At tumakas si Aod samantalang sila'y nangaghihintay, at siya'y dumaan sa dako roon ng tibagan ng bato at tumakas hanggang sa Seirath.
27At nangyari, pagdating niya, ay kaniyang hinipan ang pakakak sa lupaing maburol ng Ephraim, at ang mga anak ni Israel ay nagsilusong na kasama niya mula sa lupaing maburol, at siya'y sa unahan nila.
28At kaniyang sinabi sa kanila, Sumunod kayo sa akin; sapagka't ibinigay ng Panginoon ang inyong mga kaaway na mga Moabita sa inyong kamay. At sila'y nagsilusong na kasunod niya, at sinakop ang mga tawiran sa Jordan laban sa mga Moabita, at hindi nila pinayagang tumawid doon ang sinomang tao.
29At sila'y sumakit sa Moab nang panahong yaon ng may sangpung libong lalake, bawa't lalaking may loob, at bawa't lalaking may tapang; at doo'y walang nakatakas na lalake.
30Gayon napasuko ang Moab nang araw na yaon, sa ilalim ng kapangyarihan ng kamay ng Israel: at ang lupa'y nagpahingang walong pung taon.
31At pagkatapos niya'y si Samgar, na anak ni Anat, ay siyang nanakit sa mga Filisteo, ng anim na raang lalake, sa pamamagitan ng panundot sa baka: at kaniya ring iniligtas ang Israel.