2 Mga Cronica - 2 Chronicles
1 At ipinagdiwang ni Josias ang isang paskua sa Panginoon sa Jerusalem; at kanilang pinatay ang kordero ng paskua, sa ikalabing apat na araw ng unang buwan.
2 At inilagay niya ang mga saserdote sa kanilang mga katungkulan, at pinatapang sila sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon.
3 At sinabi niya sa mga Levita na nangagturo sa buong Israel, na mga banal sa Panginoon, Ilagay ninyo ang banal na kaban sa bahay na itinayo ni Salomon na anak ni David na hari sa Israel; hindi na magkakaroon pa ng pasan sa inyong mga balikat. Maglingkod kayo ngayon sa Panginoon ninyong Dios, at sa kaniyang bayang Israel;
4 At magsihanda kayo ayon sa mga sangbahayan ng inyong mga magulang ayon sa inyong mga bahagi, ayon sa sulat ni David na hari sa Israel, at ayon sa sulat ni Salomon sa kaniyang anak.
5 At magsitayo kayo sa dakong banal ayon sa mga bahagi ng mga sangbahayan ng mga magulang ng inyong mga kapatid na mga anak ng bayan, at maukol sa bawa't isa'y isang bahagi ng sangbahayan ng mga magulang ng mga Levita.
6 At patayin ninyo ang kordero ng paskua, at mangagpakabanal kayo, at ihanda ninyo sa inyong mga kapatid, upang magsigawa ng ayon sa salita ng Panginoon sa pamamagitan ng kamay ni Moises.
7 At si Josias ay nagbigay sa mga anak ng bayan, buhat sa kawan, ng mga kordero at ng mga anak ng kambing, lahat ng yaon ay mga pinakahandog sa paskua, sa lahat na nakaharap, sa bilang na tatlong pung libo, at tatlong libo na baka: ang mga ito'y mga pag-aari ng hari.
8 At ang kaniyang mga prinsipe ay nangagbigay ng pinakakusang handog sa bayan, sa mga saserdote, at sa mga Levita. Si Hilcias at si Zacharias at si Jehiel, na mga pinuno sa bahay ng Dios, nangagbigay sa mga saserdote ng mga pinakahandog sa paskua, na dalawang libo at anim na raang tupa at kambing, at tatlong daang baka.
9 Si Chonanias naman, at si Semeias, at si Nathanael, na kaniyang mga kapatid, at si Hasabias at si Jehiel at si Josabad, na mga pinuno ng mga Levita, nangagbigay sa mga Levita ng mga pinakahandog sa paskua, na limang libong tupa at kambing, at limang daang baka.
10 Sa gayo'y ang paglilingkod ay nahanda, at ang mga saserdote ay nagsitayo sa kanilang dako, at ang mga Levita ayon sa kanilang mga bahagi, ayon sa utos ng hari.
11 At kanilang pinatay ang kordero ng paskua, at iwinisik ng mga saserdote ang dugo, na tinangnan nila sa kanilang kamay, at mga nilapnusan ng mga Levita.
12 At kanilang ibinago ang mga handog na susunugin, upang kanilang ipamigay ayon sa mga bahagi ng mga sangbahayan ng mga magulang ng mga anak ng bayan, upang ihandog sa Panginoon, gaya ng nasusulat sa aklat ni Moises. At gayon ang ginawa nila sa mga baka.
13 At kanilang inihaw ang kordero ng paskua, sa apoy ayon sa ayos: at ang mga banal na handog ay niluto sa mga palayok, at sa mga kaldera, at sa mga kawali, at pinagdadalang madali sa lahat na anak ng bayan.
14 At pagkatapos ay nangaghanda sila sa kanilang sarili, at sa mga saserdote; sapagka't ang mga saserdote na mga anak ni Aaron ay nangasa paghahandog ng mga handog na susunugin at ng taba hanggang sa kinagabihan: kaya't ang mga Levita ay nangaghanda sa kanilang sarili, at sa mga saserdote na mga anak ni Aaron.
15 At ang mga mangaawit na mga anak ni Asaph, ay nangasa kanilang dako, ayon sa utos ni David, at ni Asaph, at ni Heman, at ni Jeduthun na tagakita ng hari; at ang mga tagatanod-pinto ay nangasa bawa't pintuang-daan: sila'y hindi nangagkakailangang magsialis sa kanilang paglilingkod; sapagka't ipinaghanda sila ng kanilang mga kapatid na mga Levita.
16 Sa gayo'y ang lahat na paglilingkod sa Panginoon ay nahanda nang araw ding yaon, upang ipagdiwang ang paskua, at upang maghandog ng mga handog na susunugin sa ibabaw ng dambana ng Panginoon, ayon sa utos ng haring Josias.
17At ang mga anak ni Israel na nangakaharap ay nangagdiwang ng paskua nang panahong yaon, at ng kapistahan ng tinapay na walang lebadura na pitong araw.
18At hindi nagkaroon ng paskua na gaya ng ipinagdiwang na yaon sa Israel mula sa mga araw ni Samuel na propeta; ni nagdiwang man ang sinoman sa mga hari sa Israel ng gayong paskua na gaya ng ipinagdiwang ni Josias, at ng mga saserdote, at ng mga Levita, at ng buong Juda at Israel na nangakaharap, at ng mga taga Jerusalem.
19Nang ikalabing walong taon ng paghahari ni Josias ay ipinagdiwang ang paskuang ito.
20Pagkatapos ng lahat ng ito, nang maihanda ni Josias ang templo, si Nechao na hari sa Egipto ay umahon upang makipaglaban sa Carchemis sa siping ng Eufrates: at si Josias ay lumabas laban sa kaniya.
21Nguni't siya'y nagsugo ng mga sugo sa kaniya, na ipinasasabi, Anong aking ipakikialam sa iyo, ikaw na hari sa Juda? ako'y hindi naparirito laban sa iyo sa araw na ito, kundi laban sa sangbahayan na kinakalaban ko: at iniutos sa akin ng Dios na ako'y magmamadali: iwan mo ang pakikialam sa Dios, na nasa akin nga, upang huwag ka niyang lipulin.
22Gayon ma'y hindi itinalikod ni Josias ang kaniyang mukha sa kaniya, kundi nagpakunwaring iba, upang siya'y makipaglaban sa kaniya, at hindi dininig ang salita ni Nechao, na mula sa bibig ng Dios, at naparoong nakipaglaban sa libis ng Megiddo.
23At pinana ng mga mamamana si Josias: at sinabi ng hari sa kaniyang mga lingkod, Ilabas ninyo ako; sapagka't ako'y nasugatan ng mabigat.
24Sa gayo'y inalis siya ng kaniyang mga lingkod sa karo, at inilagay siya sa ikalawang karo, na kaniyang dala, at dinala siya sa Jerusalem; at siya'y namatay, at nalibing sa mga libingan ng kaniyang mga magulang. At ang buong Juda at Jerusalem ay tumangis kay Josias.
25At tinaghuyan ni Jeremias si Josias: at ang lahat na mangaawit na lalake at babae ay nagsipanambitan tungkol kay Josias sa kanilang mga panaghoy, hanggang sa araw na ito; at sila'y nagsigawa ng alituntunin sa Israel; at, narito, nangasusulat sa mga panaghoy.
26Ang iba nga sa mga gawa ni Josias, at ang kaniyang mga mabuting gawa, ayon sa nasusulat sa kautusan ng Panginoon,
27At ang kaniyang mga gawa, na una at huli, narito, nangasusulat sa aklat ng mga hari sa Israel at Juda.