Ester - Esther
1 Nang araw na yaon ay ibinigay ng haring Assuero ang bahay ni Aman na kaaway ng mga Judio kay Esther na reina. At si Mardocheo ay naparoon sa harap ng hari; sapagka't isinaysay ni Esther kung ano niya siya.
2 At hinubad ng hari ang kaniyang singsing na hinubad niya kay Aman, at ibinigay kay Mardocheo. At inilagay ni Esther si Mardocheo sa bahay ni Aman.
3 At si Esther ay nagsalita pa uli sa harap ng hari, at nagpatirapa sa kaniyang mga paa, at ipinamanhik sa kaniya na may luha, na pawiin ang kasamaan ni Aman na Agageo, at ang kaniyang banta na kaniyang ibinanta sa mga Judio.
4 Nang magkagayo'y inilawit ng hari kay Esther ang gintong cetro. Sa gayo'y tumindig si Esther, at tumayo sa harap ng hari.
5 At sinabi niya, Kung kinalulugdan ng hari at kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa kaniyang paningin, at ang bagay ay inaakalang matuwid sa harap ng hari, at ako'y nakalulugod sa kaniyang mga mata, masulat na tiwaliin ang mga sulat na ibinanta ni Aman na anak ni Amedata, na Agageo, na kaniyang sinulat upang lipulin ang mga Judio na nangasa lahat na lalawigan ng hari:
6 Sapagka't paanong ako'y makapagtitiis na makita ang kasamaan na darating sa aking bayan? o paanong ako'y makapagtitiis na makita ang paglipol sa aking kamaganakan?
7 Nang magkagayo'y sinabi ng haring Assuero kay Esther na reina, at kay Mardocheo na Judio: Narito, ibinigay ko kay Esther ang bahay ni Aman, at siya ang kanilang binitay sa bibitayan, sapagka't siya'y nagbuhat ng kaniyang kamay sa mga Judio.
8 Sumulat naman kayo sa mga Judio, kung anong maibigan ninyo sa pangalan ng hari, at tatakan ninyo ng singsing ng hari: sapagka't ang sulat na nasusulat sa pangalan ng hari, at natatakan ng singsing ng hari ay walang taong makatitiwali.
9 Nang magkagayo'y tinawag ang mga kalihim ng hari ng panahong yaon, sa ikatlong buwan, na siyang buwan ng Sivan, nang ikadalawang pu't tatlo niyaon; at nasulat ayon sa lahat na iniutos ni Mardocheo sa mga Judio at sa mga satrapa, at sa mga tagapamahala at mga prinsipe ng mga lalawigan na nandoon mula sa India hanggang sa Etiopia, na isang daan at dalawang pu't pitong lalawigan, sa bawa't lalawigan ayon sa sulat niyaon, at sa bawa't bayan ayon sa wika nila, at sa mga Judio ayon sa sulat nila, at ayon sa wika nila.
10 At kaniyang sinulat sa pangalan ng haring Assuero, at tinatakan ng singsing ng hari, at nagpadala ng mga sulat sa pamamagitan ng mga sugo na nagsisipangabayo na nangakasakay sa mga matulin na kabayo na ginagamit sa paglilingkod sa hari, at sa mga batang dromedario;
11 Na pinagkakalooban ng hari ang mga Judio na nangasa bawa't bayan, na magpipisan, at ipagsanggalang ang kanilang buhay, upang magpahamak, pumatay, at magpalipol, sa buong kapangyarihan ng bayan at lalawigan na loloob sa kanila, sa kanilang mga bata at mga babae, at kumuha ng samsam sa kanila na pinakahuli,
12 Sa isang araw sa lahat na lalawigan ng haring Assuero, nang ikalabing tatlong araw ng ikalabing dalawang buwan, na siyang buwan ng Adar.
13 Isang salin ng sulat na ang pasiya'y ihayag sa bawa't lalawigan, ay nahayag sa lahat ng mga bayan, at upang ang mga Judio ay magsihanda sa araw na yaon na magsipanghiganti sa kanilang mga kaaway.
14 Sa gayo'y ang mga sugo na nangasasakay sa mga matulin na kabayo na ginagamit sa paglilingkod sa hari ay nagsilabas, na nangagmamadali at nangagtutumulin sa utos ng hari; at ang pasiya ay nahayag sa Susan na bahay-hari.
15 At si Mardocheo ay lumabas mula sa harapan ng hari na nakapanamit hari na bughaw, at puti, at may dakilang putong na ginto, at may balabal na mainam na lino at kulay ube: at ang bayan ng Susan ay humiyaw at natuwa.
16 Nagkaroon ang mga Judio ng kaliwanagan at ng kasayahan, at ng kagalakan at ng karangalan.
17At sa bawa't lalawigan, at sa bawa't bayan, saan man dumating ang utos ng hari at pasiya niya, ay nagkaroon ang mga Judio ng kasayahan at kagalakan, ng kapistahan at mabuting araw. At marami na mula sa mga bayan ng lupain ay naging mga Judio; sapagka't ang takot sa mga Judio ay suma kanila.