Job
1 Nangyari uli na sa araw nang pagparoon ng mga anak ng Dios upang magsiharap sa Panginoon, na nakiparoon din si Satanas, upang humarap sa Panginoon.
2 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Saan ka nanggaling? At si Satanas ay sumagot sa Panginoon, at nagsabi, Sa pagpaparoo't parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon.
3 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Iyo bang pinansin ang aking lingkod na si Job? sapagka't walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalake, na natatakot sa Dios, at humihiwalay sa kasamaan: at siya'y namamalagi sa kaniyang pagtatapat, bagaman ako'y kinilos mo laban sa kaniya, upang ilugmok siya ng walang kadahilanan.
4 At si Satanas ay sumagot sa Panginoon, at nagsabi, Balat kung balat, oo, lahat na tinatangkilik ng tao ay ibibigay dahil sa kaniyang buhay.
5 Nguni't pagbuhatan mo ngayon ng iyong kamay, at galawin mo ang kaniyang buto at ang kaniyang laman, at kaniyang itatakuwil ka ng mukhaan.
6 At ang Panginoon ay nagsabi kay Satanas, Narito, siya'y nasa iyong kamay; ingatan mo lamang ang kaniyang buhay.
7 Sa gayo'y umalis si Satanas mula sa harapan ng Panginoon, at pinasibulan si Job ng mga masamang bukol na mula sa talampakan ng kaniyang paa hanggang sa kaniyang puyo.
8 At kumuha siya ng isang bibinga ng palyok upang ipangkayod ng langib; at siya'y naupo sa mga abo.
9 Nang magkagayo'y sinabi ng kaniyang asawa sa kaniya, Namamalagi ka pa ba sa iyong pagtatapat? itakuwil mo ang Dios, at mamatay ka.
10 Nguni't sinabi niya sa kaniya, Ikaw ay nagsasalita na gaya ng pagsasalita ng hangal na babae. Ano? tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Dios, at hindi tayo tatanggap ng masama? Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job ng kaniyang mga labi.
11 Nang mabalitaan nga ng tatlong kaibigan ni Job ang lahat na kasamaang ito na sumapit sa kaniya sila'y naparoon bawa't isa na mula sa kanikaniyang sariling pook, si Eliphaz na Temanita, at si Bildad na Suhita, at si Sophar na Naamathita: at sila'y nangagkaiisang loob na magsiparoon upang makidamay sa kaniya at aliwin siya.
12 At nang kanilang itanaw ang kanilang mga mata mula sa malayo, at hindi siya makilala, kanilang inilakas ang kanilang tinig, at nagsiiyak at hinapak ng bawa't isa sa kanila ang kanikaniyang balabal, at nagbuhos ng alabok sa kanilang mga ulo sa dakong langit.
13 Sa gayo'y nangakiumpok sila sa kaniya sa ibabaw ng lupa na pitong araw at pitong gabi, at walang nagsalita sa kaniya: sapagka't kanilang nakita na ang kaniyang paghihirap ay totoong malaki.