Mga Kawikaan - Proverbs
1 Ang madalas na masaway na nagpapatigas ng kaniyang leeg, biglang mababali, at walang kagamutan.
2 Pagka ang matuwid ay dumadami, ang bayan ay nagagalak: nguni't pagka ang masama ay nagpupuno, ang bayan ay nagbubuntong-hininga.
3 Ang umiibig ng karunungan ay nagpapagalak sa kaniyang ama: nguni't ang nakikisama sa mga patutot ay sumisira ng kaniyang tinatangkilik.
4 Ang hari ay nagtatatag ng lupain sa pamamagitan ng kahatulan: nguni't ang humihingi ng suhol ay gumigiba.
5 Ang tao na kunwang pumupuri sa kaniyang kapuwa naglalagay ng bitag sa kaniyang mga hakbang.
6 Sa pagsalangsang ng masamang tao ay may silo: nguni't ang matuwid ay umaawit at nagagalak.
7 Ang matuwid ay kumukuhang alam sa bagay ng dukha: ang masama ay walang unawang makaalam.
8 Ang mga mangduduwahaging tao ay naglalagay ng bayan sa liyab: nguni't ang mga pantas na tao ay nagaalis ng poot.
9 Kung ang pantas ay magkaroon ng pakikipagtalo sa isang mangmang, magalit man o tumawa, ang mangmang ay hindi magkakaroon ng kapahingahan.
10 Ang mangbububo ng dugo ay nagtatanim sa sakdal: at tungkol sa matuwid, hinahanap nila ang kaniyang buhay.
11 Inihihinga ng mangmang ang buong galit niya: nguni't ang pantas ay nagpipigil at tumitiwasay.
12 Kung ang puno ay nakikinig sa kabulaanan, lahat niyang mga lingkod ay masasama.
13 Ang dukha at ang mamimighati ay nagsasalubong; pinapagniningas ng Panginoon ang mga mata nila kapuwa.
14 Ang hari na humahatol na tapat sa dukha, ang kaniyang luklukan ay matatatag magpakailan man.
15 Ang pamalo at saway ay nagbibigay karunungan: nguni't ang batang binabayaan ay humihiya sa kaniyang ina.
16 Pagka ang masama ay dumadami, pagsalangsang ay dumadami: nguni't mamamasdan ng matuwid ang kanilang pagkabuwal.
17Sawayin mo ang iyong anak, at bibigyan ka niya ng kapahingahan; Oo, bibigyan niya ng kaluguran ang iyong kaluluwa.
18Kung saan walang pangitain, ang bayan ay sumasama: nguni't siyang nagiingat ng kautusan ay maligaya siya.
19Ang alipin ay hindi masasaway ng mga salita: sapagka't bagaman nalalaman niya ay hindi siya makikinig.
20Nakikita mo ba ang tao, na nagmamadali sa kaniyang mga salita? May pagasa pa sa mangmang kay sa kaniya.
21Siyang maingat na nagpalaki ng kaniyang lingkod mula sa pagkabata, magiging anak niya siya sa kawakasan.
22Ang taong magagalitin ay humihila ng kaalitan, at ang mainiting tao ay nananagana sa pagsalangsang.
23Ang kapalaluan ng tao ay magbababa sa kaniya: nguni't ang may mapagpakumbabang diwa ay magtatamo ng karangalan.
24Ang nakikisama sa isang magnanakaw ay nagtatanim sa kaniyang sariling kaluluwa: siya'y nakakarinig ng sumpa at hindi umiimik.
25Ang pagkatakot sa tao ay nagdadala ng silo: nguni't ang naglalagak ng kaniyang tiwala sa Panginoon ay maliligtas.
26Marami ang nagsisihanap ng lingap ng pinuno: nguni't ang kahatulan ng tao ay nagmumula sa Panginoon.
27Ang di ganap na tao ay karumaldumal sa matuwid: at ang matuwid sa lakad ay karumaldumal sa masama.