Jeremias - Jeremiah
1 Ang salita na sinalita ng Panginoon tungkol sa Babilonia, tungkol sa lupain ng mga Caldeo, sa pamamagitan ni Jeremias na propeta.
2 Inyong ipahayag sa gitna ng mga bansa, at inyong itanyag, at mangagtaas kayo ng watawat; inyong itanyag, at huwag ninyong ikubli: inyong sabihin, Ang Babilonia ay nasakop, si Bel ay nalagay sa kahihiyan, si Merodach ay nanglulupaypay; ang kaniyang mga larawan ay nalagay sa kahihiyan, ang kaniyang mga diosdiosan ay nanganglupaypay.
3 Sapagka't mula sa hilagaan ay sumasampa ang isang bansa laban sa kaniya, na sisira ng kaniyang lupain, at walang tatahan doon: sila'y nagsitakas, sila'y nagsiyaon, ang tao at gayon din ang hayop.
4 Sa mga araw na yaon, at sa panahong yaon, sabi ng Panginoon, ang mga anak ni Israel ay magsisidating, sila, at ang mga anak ni Juda na magkakasama: sila'y magsisiyaon ng kanilang lakad na nagsisiiyak, at hahanapin nila ang Panginoon nilang Dios.
5 Kanilang ipagtatanong ang daan ng Sion, na ang kanilang mga mukha ay nakaharap sa dakong yaon, na magsasabi, Magsiparito kayo, at lumakip kayo sa Panginoon sa walang hanggang tipan na hindi malilimutan.
6 Ang aking bayan ay naging gaya ng nawalang tupa: iniligaw sila ng kanilang mga pastor; sila'y inilihis sa mga bundok; sila'y nagsiparoon sa burol mula sa bundok; kanilang nalimutan ang kanilang pahingahang dako.
7 Sinasakmal sila ng lahat na nangakakasumpong sa kanila; at sinabi ng kanilang mga kaaway, Kami ay walang kasalanan, sapagka't sila'y nangagkasala laban sa Panginoon, na tatahanan ng kahatulan, sa makatuwid baga'y sa Panginoon, na pagasa ng kanilang mga magulang.
8 Magsitakas kayo mula sa gitna ng Babilonia, at kayo'y magsilabas mula sa lupain ng mga Caldeo, at kayo'y maging gaya ng mga kambing na lalake sa harap ng mga kawan.
9 Sapagka't, narito, aking patatayuin at pasasampahin laban sa Babilonia ang isang kapulungan ng mga dakilang bansa na mula sa hilagaang lupain; at sila'y magsisihanay laban sa kaniya; mula diya'y sasakupin siya; ang kanilang mga pana ay magiging gaya sa isang magilas na makapangyarihan; walang babalik na di may kabuluhan.
10 At ang Caldea ay magiging samsam: lahat na nagsisisamsam sa kaniya ay mangabubusog, sabi ng Panginoon.
11 Sapagka't kayo ay masasaya, sapagka't kayo'y nangagagalak, Oh kayong nagsisisamsam ng aking mana, sapagka't kayo'y malilikot na parang babaing guyang baka, na yumayapak ng trigo, at humahalinghing na parang mga malakas na kabayo;
12 Ang inyong ina ay mapapahiyang lubha; siyang nanganak sa inyo ay malilito: narito, siya'y magiging pinakahuli sa mga bansa, isang gubatan, isang tuyong lupain, isang ilang.
13 Dahil sa poot ng Panginoon ay hindi tatahanan, kundi magiging lubos na sira: bawa't magdaan sa Babilonia ay matitigilan, at susutsot dahil sa kaniyang lahat na pagkasalot.
14 Magsihanay kayo laban sa Babilonia sa palibot, kayong lahat na nagsisiakma ng busog; hilagpusan ninyo siya, huwag kayong manganghinayang ng mga pana: sapagka't siya'y nagkasala laban sa Panginoon.
15 Humiyaw ka laban sa kaniya sa palibot: siya'y sumuko sa kaniyang sarili; ang kaniyang mga sanggalangang dako ay nangabuwal, ang kaniyang mga kuta ay nangabagsak: sapagka't siyang kagantihan ng Panginoon: manghiganti kayo sa kaniya; kung ano ang kaniyang ginawa, gawin ninyo sa kaniya.
16 Ihiwalay ninyo ang manghahasik sa Babilonia, at siyang pumipigil ng karit sa panahon ng pagaani: dahil sa takot sa mamimighating tabak ay babalik bawa't isa sa kaniyang bayan, at tatakas bawa't isa sa kaniyang sariling lupain.
17Ang Israel ay parang nakalat na tupa; itinaboy siya ng mga leon: ang unang sumakmal sa kaniya ay ang hari sa Asiria; at si Nabucodonosor na hari sa Babilonia ay siyang huling bumali ng kaniyang mga buto.
18Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, aking parurusahan ang hari sa Babilonia, at ang kaniyang lupain, gaya ng aking pagkaparusa sa hari sa Asiria.
19At aking dadalhin uli ang Israel sa kaniyang pastulan, at siya'y sasabsab sa Carmel at sa Basan, at ang kaniyang kalooban ay masisiyahan sa mga burol ng Ephraim at sa Galaad.
20Sa mga araw na yaon, at sa panahong yaon, sabi ng Panginoon, ang kasamaan ng Israel ay mauusig, at hindi magkakaroon ng anoman; at ang mga kasalanan ng Juda, at hindi sila masusumpungan: sapagka't aking patatawarin sila na aking iniiwan na pinakalabi.
21Sumampa ka laban sa lupain ng Merathaim, laban doon, at laban sa mga nananahan sa Pekod: pumatay ka at manglipol na lubos na manunod sa kanila, sabi ng Panginoon, at iyong gawin ang ayon sa lahat na iniutos ko sa iyo.
22Ang hugong ng pagbabaka ay nasa lupain, at ang malaking kapahamakan.
23Ano't naputol at nabali ang pamukpok ng buong lupa! ano't ang Babilonia ay nasira sa gitna ng mga bansa!
24Pinaglagyan kita ng silo, at ikaw naman ay nahuli, Oh Babilonia, at hindi mo ginunita: ikaw ay nasumpungan at nahuli rin, sapagka't ikaw ay nakipagtalo laban sa Panginoon.
25Binuksan ng Panginoon ang kaniyang lalagyan ng almas, at inilabas ang mga almas ng kaniyang pagkagalit; sapagka't ang Panginoon, ang Panginoon ng mga hukbo, ay may gawang gagawin sa lupain ng mga Caldeo.
26Magsiparoon kayo laban sa kaniya, mula sa kahulihulihang hangganan; inyong buksan ang kaniyang mga kamalig; inyong ihagis na parang mga bunton, at siya'y inyong siraing lubos; huwag maiwanan siya ng anoman.
27Inyong patayin ang lahat niyang mga toro; pababain sila sa patayan: sa aba nila! sapagka't ang kanilang araw ay dumating, ang araw ng pagdalaw sa kanila.
28Inyong dinggin ang tinig nila na nagsisitakas at nagsisitahan mula sa lupain ng Babilonia, upang maghayag sa Sion ng kagantihan ng Panginoon nating Dios, ng kagantihan ng kaniyang templo.
29Inyong pisanin ang mga mamamana laban sa Babilonia, silang lahat na nangagaakma ng busog; magsitayo kayo laban sa kaniya sa palibot; huwag bayaang mangakatanan: inyong gantihin siya ayon sa kaniyang gawa; ayon sa lahat niyang ginawa, gawin ninyo sa kaniya; sapagka't siya'y naging palalo laban sa Panginoon, laban sa Banal ng Israel.
30Kaya't mabubuwal ang kaniyang mga binata sa kaniyang mga lansangan, at ang lahat niyang lalaking mangdidigma ay madadala sa katahimikan sa araw na yaon, sabi ng Panginoon.
31Narito, ako'y laban sa iyo, Oh ikaw na palalo, sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo; sapagka't ang iyong kaarawan ay dumating, ang panahon na dadalawin kita.
32At ang palalo ay matitisod at mabubuwal, at walang magbabangon sa kaniya; at ako'y magpapaningas ng apoy sa kaniyang mga bayan, at pupugnawin niyaon ang lahat na nangasa palibot niya.
33Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Ang mga anak ni Israel at ang mga anak ni Juda ay napipighating magkasama; at lahat na nagsikuhang bihag sa kanila ay hinahawakang mahigpit sila; ayaw pawalan sila.
34Ang Manunubos sa kanila ay malakas; ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang kaniyang pangalan: kaniyang ipakikipaglabang maigi ang kanilang usap, upang mabigyan niya ng kapahingahan ang lupa, at bagabagin ang mga nananahan sa Babilonia.
35Ang tabak ay nasa mga Caldeo, sabi ng Panginoon, at sa mga nananahan sa Babilonia, at sa kaniyang mga prinsipe, at sa kaniyang mga pantas.
36Ang tabak ay nasa mga hambog, at sila'y mangahahangal, ang tabak ay nasa kaniyang mga makapangyarihan, at sila'y manganglulupaypay.
37Ang tabak ay nasa kanilang mga kabayo, at sa kanilang mga karo, at sa buong bayang halohalo na nasa gitna niya; at sila'y magiging parang mga babae; isang tabak ay nasa kaniyang mga kayamanan, at mangananakaw;
38Ang pagkatuyo ay nasa kaniyang tubig, at mangatutuyo; sapagka't lupain ng mga larawang inanyuan, at sila'y mga ulol dahil sa mga diosdiosan.
39Kaya't ang mga mabangis na hayop sa ilang sangpu ng mga lobo ay magsisitahan doon, at ang avestruz ay tatahan doon: at hindi na matatahanan kailan pa man; ni matatahanan sa sali't saling lahi.
40Kung paanong sinira ng Dios ang Sodoma at Gomorra at ang mga kalapit bayan ng mga yaon, sabi ng Panginoon, gayon hindi tatahan doon ang sinoman, o tatahan man doon ang sinomang anak ng tao.
41Narito, isang bayan ay dumarating na mula sa hilagaan; at isang malaking bansa, at maraming hari ay mangahihikayat mula sa kaduluduluhang bahagi ng lupa.
42Kanilang iniaakma ang busog at ang sibat; sila'y mababagsik, at walang awa; ang kanilang tinig ay humuhugong na parang dagat, at sila'y nagsisisakay sa mga kabayo, bawa't isa ay humahanay na parang lalake sa pakikipagbaka, laban sa iyo, Oh anak na babae ng Babilonia.
43Nabalitaan ng hari sa Babilonia ang kabantugan nila, at ang kaniyang mga kamay ay nanghihina: pagdadalamhati ay humawak sa kaniya, at paghihirap na gaya ng sa isang babae sa pagdaramdam.
44Narito, ang kaaway ay sasampa na parang leon mula sa kapalaluan ng Jordan laban sa matibay na tahanan: nguni't bigla kong palalayasin sila sa kaniya; at ang mapili, siya kong ihahalal sa kaniya: sapagka't sinong gaya ko? at sinong magtatakda sa akin ng panahon? at sino ang pastor na tatayo sa harap ko?
45Kaya't inyong dinggin ang payo ng Panginoon, na kaniyang ipinayo laban sa Babilonia; at ang kaniyang mga pasiyang ipinasiya niya, laban sa lupain ng mga Caldeo: Tunay na kanilang itataboy ang mga maliit sa kawan; tunay na kaniyang ipapahamak ang kanilang tahanan pati sila.
46Sa ingay ng pagsakop sa Babilonia, ay nayayanig ang lupa, at ang hiyaw ay naririnig sa mga bansa.