Daniel
1 Nang ikatlong taon ng paghahari ng haring Belsasar, ang isang pangitain ay napakita sa akin, sa aking si Daniel, pagkatapos noong napakita sa akin nang una.
2 At ako'y may nakita sa pangitain: nangyari nga, na nang aking makita, nasa Susan ako na palacio, na nasa lalawigan ng Elam; at ako'y may nakita sa pangitain, at ako'y nasa tabi ng ilog Ulai.
3 Nang magkagayo'y itiningin ko ang aking mga mata, at ako'y may nakita, at narito, tumayo sa harap ng ilog ang isang lalaking tupa na may dalawang sungay: at ang dalawang sungay ay mataas; nguni't ang isa'y lalong mataas kay sa isa, at ang lalong mataas ay tumaas na huli.
4 Aking nakita ang lalaking tupa na nanunudlong sa dakong kalunuran, at sa dakong hilagaan, at sa dakong timugan; at walang hayop na makatayo sa harap niya, ni wala sinoman na makapagligtas mula sa kaniyang kamay; kundi kaniyang ginawa ang ayon sa kaniyang kalooban, at nagmalaking mainam.
5 At habang aking ginugunita, narito, isang kambing na lalake ay nagmula sa kalunuran sa ibabaw ng buong lupa, at hindi sumayad sa lupa: at ang lalaking kambing ay may nakagitaw na sungay sa pagitan ng kaniyang mga mata.
6 At siya'y naparoon sa lalaking tupa na may dalawang sungay na aking nakitang nakatayo sa harap ng ilog, at tinakbo niya siya sa kabangisan ng kaniyang kapangyarihan.
7 At aking nakitang siya'y lumapit sa lalaking tupa, at siya'y nakilos ng pagkagalit laban sa kaniya, at sinaktan ang tupa, at binali ang kaniyang dalawang sungay: at ang lalaking tupa ay walang kapangyarihang makatayo sa harap niya; kundi kaniyang ibinuwal sa lupa, at kaniyang niyapakan siya; at walang makapagligtas sa lalaking tupa mula sa kaniyang kamay.
8 At ang lalaking kambing ay nagmalaking mainam: at nang siya'y lumakas, ang malaking sungay ay nabali; at kahalili niyao'y lumitaw ang apat na marangal na sungay, sa dako ng apat na hangin ng langit.
9 At mula sa isa sa mga yaon ay lumitaw ang isang maliit na sungay na dumakilang totoo, sa dakong timugan, at sa dakong silanganan, at sa dakong maluwalhating lupain.
10 At lumaking mainam, hanggang sa hukbo sa langit; at ang ilan sa hukbo at sa mga bituin ay iniwaksi sa lupa, at mga niyapakan yaon.
11 Oo, nagmalaki, hanggang sa prinsipe ng hukbo; at inalis niya sa kaniya ang palaging handog na susunugin, at ang dako ng kaniyang santuario ay ibinagsak.
12 At ang hukbo ay nabigay sa kaniya na kasama ng palaging handog na susunugin dahil sa pagsalangsang; at kaniyang iniwaksi ang katotohanan sa lupa, at gumawa ng kaniyang maibigan at guminhawa.
13 Nang magkagayo'y narinig ko ang isang banal na nagsalita; at ibang banal ay nagsabi sa isang yaon na nagsalita, Hanggang kailan magtatagal ang pangitain tungkol sa palaging handog na susunugin, at ang pagsalangsang na sumisira, upang magbigay ng santuario at ng hukbo upang mayapakan ng paa?
14 At sinabi niya sa akin, Hanggang sa dalawang libo at tatlong daan na hapon at umaga; kung magkagayo'y malilinis ang santuario.
15 At nangyari, nang ako, sa makatuwid baga'y akong si Daniel, ay makakita ng pangitain, na aking pinagsikapang maunawaan; at, narito, nakatayo sa harap ko ang isang kawangis ng isang tao.
16 At narinig ko ang tinig ng isang tao sa pagitan ng mga pangpang ng Ulai, na tumatawag at nagsasabi, Gabriel, ipaaninaw mo sa taong ito ang pangitain.
17Sa gayo'y lumapit siya sa kinatatayuan ko; at nang siya'y lumapit, ako'y natakot at napasubasob: nguni't sinabi niya sa akin, Talastasin mo, Oh anak ng tao; sapagka't ang pangitain ay ukol sa panahon ng kawakasan.
18Samantalang siya nga'y nagsasalita sa akin, ako'y nagupiling sa isang mahimbing na pagkakatulog na padapa; nguni't hinipo niya ako, at itinayo ako.
19At kaniyang sinabi, Narito, aking ipaaaninaw sa iyo kung ano ang mangyayari sa huling panahon ng pagkagalit; sapagka't ukol sa takdang panahon ng kawakasan.
20Ang lalaking tupa na iyong nakita, na may dalawang sungay, ang mga yaon ang mga hari sa Media at Persia.
21At ang may magaspang na balahibo na lalaking kambing ay siyang hari sa Grecia: at ang malaking sungay na nasa pagitan ng kaniyang mga mata ay siyang unang hari.
22At tungkol sa nabali, sa dakong tinayuan ng apat, ay apat na kaharian ang magsisibangon mula sa bansa, nguni't hindi sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan.
23At sa huling panahon ng kanilang kaharian, pagka ang mananalangsang ay nagsidating sa kapuspusan, isang hari ay babangon na may mabagsik na pagmumukha, at nakaunawa ng malabong salita.
24At ang kaniyang kapangyarihan ay magiging dakila, nguni't hindi sa pamamagitan ng kaniyang sariling kapangyarihan; at siya'y lilipol na kamanghamangha, at giginhawa, at gagawa ng kaniyang maibigan; at kaniyang lilipulin ang mga makapangyarihan at ang banal na bayan.
25At sa kaniyang paraan ay kaniyang palulusugin ang pagdaraya sa kaniyang kamay; at siya'y magmamalaki ng kaniyang loob, at sa kanilang ikatitiwasay ay papatay ng marami: siya'y tatayo rin laban sa prinsipe ng mga prinsipe; nguni't siya'y mabubuwal hindi ng kamay.
26At ang pangitain sa mga hapon at mga umaga na nasaysay ay tunay: nguni't ilihim mo ang pangitain; sapagka't ukol sa maraming araw na darating.
27At akong si Daniel ay nanglupaypay, at nagkasakit na ilang araw; nang magkagayon ako'y nagbangon, at ginawa ko ang mga gawain ng hari: at ako'y natigilan sa pangitain, nguni't walang nakakaunawa.