Joel
1 Ang salita ng Panginoon na dumating kay Joel na anak ni Pethuel.
2 Dinggin ninyo ito, ninyong mga matanda, at pakinggan ninyo, ninyong lahat na mananahan sa lupain. Nagkaroon baga nito sa inyong mga kaarawan o sa mga kaarawan ng inyong mga magulang?
3 Saysayin ninyo sa inyong mga anak, at saysayin ng inyong mga anak sa kanilang mga anak, at ng kanilang mga anak sa susunod na lahi.
4 Ang iniwan ng tipaklong, ay kinain ng balang; at ang iniwan ng balang ay kinain ng uod; at ang iniwan ng uod ay kinain ng kuliglig.
5 Magsibangon kayo, kayong mga manglalasing, at magsiiyak kayo; at manambitan kayo, kayong lahat na manginginom ng alak, dahil sa matamis na alak; sapagka't nahiwalay sa inyong bibig.
6 Sapagka't isang bansa ay sumampa sa aking lupain, malakas at walang bilang; ang kaniyang mga ngipin ay mga ngipin ng leon, at siya'y may bagang ng malaking leon.
7 Kaniyang iniwasak ang aking puno ng ubas, at ibinagsak ang aking puno ng igos: kaniyang tinalupang malinis at inihagis; ang mga sanga niyao'y naging maputi.
8 Managhoy ka na parang babaing nabibigkisan ng kayong magaspang dahil sa asawa ng kaniyang kabataan.
9 Ang handog na harina at ang inuming handog ay nahiwalay sa bahay ng Panginoon; ang mga saserdote, ang mga tagapangasiwa ng Panginoon, ay nangananangis.
10 Ang bukid ay sira, ang lupain ay nahahapis; sapagka't ang trigo ay sira, ang bagong alak ay tuyo, ang langis ay kulang.
11 Mangahiya kayo, Oh kayong mga mangbubukid, manambitan kayo, Oh kayong mga maguubas, dahil sa trigo at dahil sa cebada; sapagka't ang pagaani sa bukid ay nawala.
12 Ang puno ng ubas ay natuyo, at ang puno ng higos ay nalalanta; ang puno ng granada, ang puno ng palma ay gayon din at ang puno ng manzanas, lahat ng punong kahoy sa parang ay tuyo; sapagka't ang kagalakan ay nawala sa mga anak ng mga tao.
13 Mangagbigkis kayo ng kayong magaspang, at magsipanaghoy kayong mga saserdote; manambitan kayo, kayong mga tagapangasiwa ng dambana; halikayo, magsihiga kayo magdamag sa kayong magaspang, kayong mga tagapangasiwa ng aking Dios: sapagka't ang handog na harina at ang inuming handog ay nahiwalay sa bahay ng inyong Dios.
14 Mangaghayag kayo ng ayuno, magsitawag kayo ng isang takdang kapulungan, inyong pisanin ang mga matanda at ang lahat na mananahan sa lupain sa bahay ng Panginoon ninyong Dios, at magsidaing kayo sa Panginoon.
15 Sa aba ng araw na yaon! sapagka't ang kaarawan ng Panginoon ay malapit na, at darating na parang kagibaan na mula sa Makapangyarihan sa lahat.
16 Hindi baga ang pagkain ay nahiwalay sa ating mga mata, oo, ang kagalakan at ang kasayahan ay nahiwalay sa bahay ng ating Dios?
17Ang mga binhi ay nangabubulok sa kanilang bugal; ang mga kamalig ay nangakahandusay na sira, ang mga imbakan ay bagsak; sapagka't ang trigo ay natuyo.
18Ganyan na lamang ang ungal ng mga hayop! ang mga kawan ng mga hayop ay natitigilan, sapagka't wala silang pastulan; oo, ang mga kawan ng tupa ay nangapahamak.
19Oh Panginoon, sa iyo'y dumadaing ako: sapagka't sinupok ng apoy ang mga pastulan sa ilang, at sinunog ng liyab ang lahat na punong kahoy sa parang.
20Oo, ang mga hayop sa bukid ay nagsisihingal sa iyo; sapagka't ang mga batis ng tubig ay nangatuyo, at sinupok ng apoy ang mga pastulan sa ilang.