Jonas - Jonah
1 Ang salita nga ng Panginoon ay dumating kay Jonas na anak ni Amittai, na nagsasabi,
2 Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking bayang yaon, at humiyaw ka laban doon; sapagka't ang kanilang kasamaan ay umabot sa harap ko.
3 Nguni't si Jonas ay bumangon upang tumakas na patungo sa Tarsis mula sa harapan ng Panginoon; at siya'y lumusong sa Joppe, at nakasumpong ng sasakyan na patungo sa Tarsis: sa gayo'y nagbayad siya ng upa niyaon, at siya'y lumulan, upang yumaong kasama nila sa Tarsis mula sa harapan ng Panginoon.
4 Nguni't ang Panginoon ay nagpasapit ng malakas na hangin sa dagat, at nagkaroon ng malakas na unos sa dagat, na anopa't ang sasakyan ay halos masira.
5 Nang magkagayo'y nangatakot ang mga taong dagat at dumaing ang bawa't tao sa kanikaniyang dios; at kanilang inihagis sa dagat ang mga daladalahang nangasa sasakyan upang makapagpagaan sa kanila. Nguni't si Jonas ay bumaba sa pinakaloob na bahagi ng sasakyan; at siya'y nahiga at nakatulog ng mahimbing.
6 Sa gayo'y lumapit sa kaniya ang puno ng sasakyan, at sinabi sa kaniya, Ano ang inaakala mo, O matutulugin? bumangon ka, tumawag ka sa iyong Dios, baka sakaling alalahanin ng Dios tayo, upang huwag tayong mangamatay.
7 At sinabi ng bawa't isa sa kanila sa kaniyang kasama, Magsiparito kayo at tayo'y mangagsapalaran, upang ating maalaman kung dahil kanino dumating ang kasamaang ito sa atin. Sa gayo'y nangagsapalaran sila, at ang palad ay nahulog kay Jonas.
8 Nang magkagayo'y sinabi nila sa kaniya, Isinasamo namin sa iyo na iyong saysayin sa amin, kung dahil kanino dumating ang kasamaang ito sa atin; ano ang iyong hanap-buhay? at saan ka nanggaling? ano ang iyong lupain? at taga saang bayan ka?
9 At kaniyang sinabi sa kanila, Ako'y isang Hebreo; at ako'y natatakot sa Panginoon, sa Dios ng langit, na siyang gumawa ng dagat at ng tuyong lupain.
10 Nang magkagayo'y nangatakot na mainam ang mga tao, at sinabi sa kaniya, Ano itong iyong ginawa? Sapagka't talastas ng mga tao na siya'y tumatakas mula sa harapan ng Panginoon, sapagka't isinaysay niya sa kanila,
11 Nang magkagayo'y sinabi nila sa kaniya, Anong gagawin namin sa iyo, upang ang dagat ay tumahimik sa atin? sapagka't ang dagat ay lalo't lalong umuunos.
12 At sinabi niya sa kanila, Ako'y inyong buhatin, at ihagis ninyo ako sa dagat; sa gayo'y ang dagat ay tatahimik sa inyo: sapagka't talastas ko na dahil sa akin dumating ang malaking unos na ito sa inyo.
13 Gayon ma'y ang mga lalake ay nagsisigaod na mainam upang bumalik sa lupa; nguni't hindi nila magawa; sapagka't ang dagat ay lalo't lalong umuunos laban sa kanila.
14 Kaya't sila'y nagsidaing sa Panginoon, at nangagsabi, Ipinamamanhik namin sa iyo, Oh Panginoon, ipinamamanhik namin sa iyo, huwag mo kaming ipahamak dahil sa buhay ng lalaking ito, at huwag mong ihulog sa amin ang walang salang dugo; sapagka't ikaw, Oh Panginoon, iyong ginawa ang nakalulugod sa iyo.
15 Sa gayo'y kanilang binuhat si Jonas, at inihagis sa dagat; at ang dagat ay tumigil sa kaniyang poot.
16 Nang magkagayo'y nangatakot na mainam ang mga tao sa Panginoon; at sila'y nangaghandog ng isang hain sa Panginoon, at nagsipanata.
17At inihanda ng Panginoon ang isang malaking isda upang lamunin si Jonas; at si Jonas ay napasa tiyan ng isda na tatlong araw at tatlong gabi.