Marcos - Mark
1 At nagsidating sila sa kabilang ibayo ng dagat sa lupain ng mga Gadareno.
2 At paglunsad niya sa daong, pagdaka'y sinalubong siya na galing sa mga libingan ng isang lalake na may isang karumaldumal na espiritu,
3 Na tumatahan sa mga libingan: at sinoma'y hindi siya magapos, kahit ng tanikala;
4 Sapagka't madalas na siya'y ginapos ng mga damal at mga tanikala, at pinagpatidpatid niya ang mga tanikala, at pinagbabalibali ang mga damal: at walang taong may lakas na makasupil sa kaniya.
5 At palaging sa gabi't araw, ay nagsisisigaw sa mga libingan at sa mga kabundukan, at sinusugatan ang sarili ng mga bato.
6 At pagkatanaw niya sa malayo kay Jesus, ay tumakbo at siya'y kaniyang sinamba;
7 At nagsisisigaw ng malakas na tinig, na kaniyang sinabi, Ano ang pakialam ko sa iyo, Jesus, ikaw na Anak ng Dios na Kataastaasan? kita'y pinamamanhikan alangalang sa Dios, na huwag mo akong pahirapan.
8 Sapagka't sinabi niya sa kaniya, Lumabas ka sa taong ito, ikaw na karumaldumal na espiritu.
9 At tinanong niya siya, Ano ang pangalan mo? At sinabi niya sa kaniya, Pulutong ang pangalan ko; sapagka't marami kami.
10 At ipinamamanhik na mainam sa kaniya na huwag silang palayasin sa lupaing yaon.
11 At sa libis ng bundok na yaon ay may isang malaking kawan ng mga baboy na nagsisipanginain.
12 At nangamanhik sila sa kaniya, na nagsisipagsabi, Paparoonin mo kami sa mga baboy, upang kami ay magsipasok sa kanila.
13 At ipinahintulot niya sa kanila. At ang mga karumaldumal na espiritu ay nangagsilabas, at nangagsipasok sa mga baboy: at ang kawan ay napadaluhong sa bangin hanggang sa dagat, na sila'y may mga dalawang libo; at sila'y nangalunod sa dagat.
14 At nagsitakas ang mga tagapagalaga ng mga yaon, at ibinalita sa bayan, at sa mga bukid. At nagsiparoon ang mga tao upang makita kung ano ang nangyari.
15 At nagsiparoon sila kay Jesus, at nakita nila ang inalihan ng mga demonio na nakaupo, nakapanamit at matino ang kaniyang pagiisip, sa makatuwid baga'y siyang nagkaroon ng isang pulutong: at sila'y nangatakot.
16 At sinabi sa kanila ng nangakakita kung paanong pagkapangyari sa inalihan ng mga demonio, at tungkol sa mga baboy.
17At sila'y nangagpasimulang magsipamanhik sa kaniya na siya'y umalis sa kanilang mga hangganan.
18At habang lumululan siya sa daong, ay ipinamamanhik sa kaniya ng inalihan ng mga demonio na siya'y ipagsama niya.
19At hindi niya itinulot sa kaniya, kundi sa kaniya'y sinabi, Umuwi ka sa iyong bahay sa iyong mga kaibigan, at sabihin mo sa kanila kung gaano kadakilang mga bagay ang ginawa sa iyo ng Panginoon, at kung paanong kinaawaan ka niya.
20At siya'y yumaon ng kaniyang lakad, at nagpasimulang ihayag sa Decapolis kung gaanong kadakilang mga bagay ang sa kaniya'y ginawa ni Jesus: at nangagtaka ang lahat ng mga tao.
21At nang si Jesus ay muling makatawid sa daong sa kabilang ibayo, ay nakipisan sa kaniya ang lubhang maraming tao; at siya'y nasa tabi ng dagat.
22At lumapit ang isa sa mga pinuno sa sinagoga, na nagngangalang Jairo; at pagkakita sa kaniya, ay nagpatirapa siya sa kaniyang paanan,
23At ipinamamanhik na mainam sa kaniya, na sinasabi, Ang aking munting anak na babae ay naghihingalo: ipinamamanhik ko sa iyo, na ikaw ay pumaroon at ipatong mo ang iyong mga kamay sa kaniya, upang siya'y gumaling, at mabuhay.
24At siya'y sumama sa kaniya; at sinundan siya ng lubhang maraming tao; at siya'y sinisiksik nila.
25At isang babae na may labingdalawang taon nang inaagasan,
26At siya'y napahirapan na ng maraming bagay ng mga manggagamot, at nagugol na niya ang lahat niyang tinatangkilik, at hindi gumaling ng kaunti man, kundi bagkus pang lumulubha siya,
27Na pagkarinig niya ng mga bagay tungkol kay Jesus, ay lumapit siya sa karamihan, sa likuran niya, at hinipo ang kaniyang damit.
28Sapagka't sinasabi niya, Kung mahipo ko man lamang ang kaniyang damit, ay gagaling ako.
29At pagdaka'y naampat ang kaniyang agas; at kaniyang naramdaman sa kaniyang katawan na magaling na siya sa salot niya.
30At si Jesus, sa pagkatalastas niya agad sa kaniyang sarili na may umalis na bisa sa kaniya, ay pagdaka'y pumihit sa karamihan at nagsabi, Sino ang humipo ng aking mga damit?
31At sinabi sa kaniya ng kaniyang mga alagad, Nakikita mong sinisiksik ka ng karamihan, at sasabihin mo, Sino ang humipo sa akin?
32At lumingap siya sa palibotlibot upang makita siya na gumawa ng bagay na ito.
33Nguni't ang babae na natatakot at nangangatal, palibhasa'y nalalaman ang sa kaniya'y nangyari, lumapit at nagpatirapa sa harap niya, at sinabi sa kaniya ang buong katotohanan.
34At sinabi niya sa kaniya, Anak, pinagaling ka ng pananampalataya mo; yumaon kang payapa, at gumaling ka sa salot mo.
35Samantalang nagsasalita pa siya, ay may nagsidating na galing sa bahay ng pinuno sa sinagoga, na nagsasabi, Patay na ang anak mong babae: bakit mo pa binabagabag ang Guro?
36Datapuwa't hindi pinansin ni Jesus ang kanilang sinasalita, at nagsabi sa pinuno ng sinagoga, Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang.
37At hindi niya ipinahintulot na sinoma'y makasunod sa kaniya, liban kay Pedro, at kay Santiago, at kay Juan na kapatid ni Santiago.
38At nagsidating sila sa bahay ng pinuno sa sinagoga; at napanood niya ang pagkakagulo, at ang nagsisitangis, at nangagbubuntong-hininga ng labis.
39At pagkapasok niya, ay kaniyang sinabi sa kanila, Bakit kayo'y nangagkakagulo at nagsisitangis? hindi patay ang bata, kundi natutulog.
40At tinatawanan nila siya na nililibak. Datapuwa't, nang mapalabas na niya ang lahat, ay isinama niya ang ama ng bata at ang ina nito, at ang kaniyang mga kasamahan, at pumasok sa kinaroroonan ng bata.
41At pagkahawak niya sa kamay ng bata, ay sinabi niya sa kaniya, Talitha cumi; na kung liliwanagin ay, Dalaga, sinasabi ko sa iyo, Magbangon ka.
42At pagdaka'y nagbangon ang dalaga, at lumakad: sapagka't siya'y may labingdalawang taon na. At pagdaka'y nangagtaka silang lubha.
43At ipinagbilin niya sa kanilang mahigpit, na sinoman ay huwag makaalam nito: at kaniyang ipinagutos na siya'y bigyan ng pagkain.