1 Mga Taga-Corinto - 1 Corinthians
1 At tungkol sa mga bagay na isinulat ninyo sa akin: Mabuti sa lalake ay huwag humipo sa babae.
2 Datapuwa't, dahil sa mga pakikiapid, ang bawa't lalake ay magkaroon ng kaniyang sariling asawa, at bawa't babae ay magkaroon ng kaniyang sariling asawa.
3 Ibigay ng lalake sa asawa ang sa kaniya'y nararapat: at gayon din naman ang babae sa asawa.
4 Ang babae ay walang kapangyarihan sa kaniyang sariling katawan, kundi ang asawa: at gayon din naman ang lalake ay walang kapangyarihan sa kaniyang sariling katawan, kundi ang asawa.
5 Huwag magpigil ang isa't isa, maliban kung pagkasunduan sa ilang panahon, upang kayo'y mamalagi sa pananalangin, at muling kayo'y magsama, baka kayo'y tuksuhin ni Satanas dahil sa inyong kawalan ng pagpipigil.
6 Nguni't ito'y sinasabi ko na parang payo, hindi sa utos.
7 Kaya't ibig ko sana, na ang lahat ng tao ay maging gaya ko. Nguni't ang bawa't tao'y mayroong kanikaniyang kaloob na mula sa Dios, ang isa'y ayon sa paraang ito, at ang iba'y ayon sa paraan yaon.
8 Datapuwa't sinasabi ko sa mga walang asawa, at sa mga babaing bao, Mabuti sa kanila kung sila'y magsipanatiling gayon sa makatuwid baga'y gaya ko.
9 Nguni't kung sila'y hindi makapagpigil, ay magsipagasawa: sapagka't magaling ang magasawa kay sa mangagningas ang pita.
10 Datapuwa't sa mga may asawa ay aking ipinaguutos, Nguni't hindi ako, kundi ang Panginoon, na ang babae ay huwag humiwalay sa kaniyang asawa.
11 (Datapuwa't kung siya'y humiwalay, ay manatiling walang asawa, o kaya'y makipagkasundo sa kaniyang asawa); at huwag hiwalayan ng lalake ang kaniyang asawa.
12 Datapuwa't sa iba, ay ako ang nagsasabi, hindi ang Panginoon: Kung ang sinomang kapatid na lalake ay may asawang hindi sumasampalataya, at kung kalooban niyang makipamahay sa kaniya, ay huwag niyang hiwalayan.
13 At ang babaing may asawang hindi sumasampalataya, at kalooban niyang makipamahay sa kaniya, ay huwag niyang hiwalayan ang kaniyang asawa.
14 Sapagka't ang lalaking hindi sumasampalataya ay nagiging banal sa pamamagitan ng kaniyang asawa, at ang babaing hindi sumasampalataya ay nagiging banal sa pamamagitan ng kaniyang asawa: sa ibang paraa'y ang inyong mga anak ay nangagkaroon ng kapintasan; nguni't ngayo'y mga banal.
15 Gayon ma'y kung humiwalay ang hindi sumasampalataya, ay bayaan siyang humiwalay: ang kapatid na lalake o kapatid na babae ay hindi natatali sa mga ganitong bagay: kundi sa kapayapaan kayo tinawag ng Dios.
16 Sapagka't paanong malalaman mo, Oh babae, kung maililigtas mo ang iyong asawa? o paanong malalaman mo, Oh lalake, kung maililigtas mo ang iyong asawa?
17Ayon nga lamang sa ipinamahagi ng Panginoon sa bawa't isa, at ayon sa pagkatawag ng Dios sa bawa't isa, ay gayon siya lumakad. At gayon ang iniuutos ko sa lahat ng mga iglesia.
18Tinawag baga ang sinomang taong tuli na? huwag siyang maging di tuli. Tinawag baga ang sinomang di tuli? huwag siyang maging tuli.
19Ang pagtutuli ay walang anoman, at ang di pagtutuli ay walang anoman; kundi ang pagtupad sa mga utos ng Dios.
20Bayaang ang bawa't isa'y manatili doon sa pagkatawag na itinawag sa kaniya.
21Ikaw baga'y alipin ng ikaw ay tinawag? huwag kang magalaala: kung maaaring ikaw ay maging malaya, ay pagsikapan mo ng maging laya.
22Sapagka't ang tinawag sa Panginoon nang siya'y alipin, ay malaya sa Panginoon: gayon din naman ang tinawag nang siya'y malaya, ay alipin ni Cristo.
23Sa halaga kayo'y binili; huwag kayong maging mga alipin ng mga tao.
24Mga kapatid, bayaang ang bawa't isa'y manatili sa Dios sa kalagayang itinawag sa kaniya.
25Ngayon, tungkol sa mga dalaga ay wala akong utos ng Panginoon: nguni't ibinibigay ko ang aking pasiya, na tulad sa nagkamit ng habag ng Panginoon upang mapagkatiwalaan.
26Inaakala ko ngang mabuti ito dahil sa kasalukuyang kahapisan, sa makatuwid baga'y mabuti ngang ang tao'y manatili ng ayon sa kaniyang kalagayan.
27Natatali ka ba sa asawa? huwag mong pagsikapang ikaw ay makakalag. Ikaw baga'y kalag sa asawa? huwag kang humanap ng asawa.
28Nguni't kung ikaw ay magasawa, ay hindi ka nagkakasala; at kung ang isang dalaga ay magasawa, ay hindi siya nagkakasala. Datapuwa't ang mga gayon ay magkakaroon ng kahirapan sa laman: at ibig ko sanang kayo'y iligtas.
29Nguni't sinasabi ko ito, mga kapatid, ang panahon ay pinaikli, upang mula ngayon ang mga lalaking may asawa ay maging mga tulad sa wala;
30At ang mga nagsisiiyak, ay maging tulad sa mga hindi nagsisiiyak; at ang nangagagalak, ay maging tulad sa hindi nangagagalak; at ang mga nagsisibili, ay maging tulad sa mga walang inaari;
31At ang mga nagsisigamit ng sanglibutan, ay maging tulad sa hindi nangagpapakalabis ng paggamit: sapagka't ang kaasalan ng sanglibutang ito ay lumilipas.
32Datapuwa't ang ibig ko ay mawalan kayo ng kabalisahan. Ang walang asawa ay nagsusumakit sa mga bagay ng Panginoon, kung paanong makalulugod sa Panginoon:
33Nguni't ang may asawa ay nagsusumakit sa mga bagay ng sanglibutan, kung paanong makalulugod sa kaniyang asawa,
34At nagkakabahagi ang isipan. Gayon din naman ang babaing walang asawa at ang dalaga, ay nagsusumakit sa mga bagay ng Panginoon, upang siya'y maging banal sa katawan at sa espiritu man; nguni't ang babaing may asawa ay nagsusumakit sa mga bagay ng sanglibutan, kung paanong makalulugod sa kaniyang asawa.
35At ito'y sinasabi ko sa inyong sariling kapakinabangan; hindi upang alisin ko ang inyong kalayaan, kundi dahil sa bagay na nararapat, at upang kayo'y makapaglingkod sa Panginoon nang walang abala.
36Nguni't kung iniisip ng sinomang lalake na hindi siya gumagawa ng marapat sa kaniyang anak na dalaga, kung ito'y sumapit na sa kaniyang katamtamang gulang, at kung kailangan ay sundin niya ang kaniyang maibigan, hindi siya nagkakasala; bayaang mangagasawa sila.
37Subali't ang nananatiling matibay sa kaniyang puso, na walang kailangan, kundi may kapangyarihan tungkol sa kaniyang sariling kalooban, at pinasiyahan sa kaniyang sariling puso na ingatan ang kaniyang sariling anak na dalaga, ay mabuti ang gagawin.
38Kaya nga ang nagpapahintulot sa kaniyang anak na dalaga na magasawa ay gumagawa ng mabuti; at ang hindi nagpapahintulot na siya'y magasawa ay gumagawa ng lalong mabuti.
39Ang babaing may asawa ay natatalian samantalang nabubuhay ang kaniyang asawa; nguni't kung patay na ang kaniyang asawa, ay may kalayaan siyang makapagasawa sa kanino mang ibig niya; sa kalooban lamang ng Panginoon.
40Nguni't lalong maligaya siya kung manatili ng ayon sa kaniyang kalagayan, ayon sa aking akala: at iniisip ko na ako'y may Espiritu rin naman ng Dios.