2 Pedro - 2 Peter
1 Ito nga ang ikalawang sulat, mga minamahal, na isinusulat ko sa inyo; at sa dalawa'y ginigising ko ang inyong tapat na pagiisip sa pamamagitan ng pagpapaalaala sa inyo;
2 Upang maalaala ninyo ang mga salitang sinabi nang una ng mga banal na propeta, at ang utos ng Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng inyong mga apostol:
3 Na maalaman muna ito, na sa mga huling araw ay magsisiparito ang mga manunuya na may pagtuya, na magsisilakad ayon sa kanikanilang masasamang pita,
4 At magsisipagsabi, Saan naroon ang pangako ng kaniyang pagparito? sapagka't, buhat nang araw na mangatulog ang mga magulang, ay nangananatili ang lahat ng mga bagay na gaya ng kalagayan nila mula nang pasimulan ang paglalang.
5 Sapagka't sadyang nililimot nila, na mayroong sangkalangitan mula nang unang panahon, at isang lupang inanyuan sa tubig at sa gitna ng tubig, sa pamamagitan ng salita ng Dios;
6 Na sa pamamagitan din nito ang sanglibutan noon, na inapawan ng tubig, ay napahamak:
7 Nguni't ang sangkalangitan ngayon, at ang lupa, sa pamamagitan ng gayon ding salita ay iningatang talaga sa apoy, na itinataan sa araw ng paghuhukom at ng paglipol sa mga taong masama.
8 Datapuwa't huwag ninyong kalimutan, mga minamahal, ang isang bagay na ito, na ang isang araw sa Panginoon ay katulad ng isang libong taon, at ang isang libong taon ay katulad ng isang araw.
9 Hindi mapagpaliban ang Panginoon tungkol sa kaniyang pangako, na gaya ng pagpapalibang ipinalalagay ng iba; kundi mapagpahinuhod sa inyo, na hindi niya ibig na sinoman ay mapahamak, kundi ang lahat ay magsipagsisi.
10 Datapuwa't darating ang araw ng Panginoon na gaya ng magnanakaw; na ang sangkalangitan sa araw na iyan ay mapaparam na kasabay ng malaking ugong, at ang mga bagay sa langit ay mapupugnaw sa matinding init, at ang lupa at ang mga gawang nasa lupa ay pawang masusunog.
11 Yamang ang lahat ng mga bagay na ito ay mapupugnaw ng ganito, ano ngang anyo ng mga pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na pamumuhay at pagkamaawain,
12 Na ating hinihintay at pinakananasa ang pagdating ng kaarawan ng Dios, na dahil dito'y ang sangkalangitan na nagniningas ay mapupugnaw, at ang mga bagay sa langit ay matutunaw sa matinding init?
13 Nguni't, ayon sa kaniyang pangako, ay naghihintay tayo ng bagong langit at ng bagong lupa, na tinatahanan ng katuwiran.
14 Kaya nga, mga minamahal, yamang kayo'y nagsisipaghintay ng mga bagay na ito, ay pagsikapan ninyong masumpungan kayo sa kapayapaan, na walang dungis at walang kapintasan sa paningin niya.
15 At inyong ariin na ang pagpapahinuhod ng ating Panginoon ay pagliligtas; na gaya rin naman ni Pablo, na ating minamahal na kapatid, na ayon sa karunungang ibinigay sa kaniya, ay sinulatan kayo;
16 Gayon din naman sa lahat ng kaniyang mga sulat, na doo'y sinasalita ang mga bagay na ito; na doo'y may ilang bagay na mahirap unawain, na isinisinsay ng mga di nakaaalam at ng mga walang tiyaga, na gaya rin naman ng kanilang ginagawa sa ibang mga kasulatan, sa ikapapahamak din nila.
17Kaya nga, mga minamahal, yamang nalalaman na ninyo nang una ang mga bagay na ito, ay magsipagingat kayo, baka kung mangaligaw kayo sa pamamagitan ng kamalian ng masasama, ay mangahulog kayo sa inyong sariling katiyagaan.
18Datapuwa't magsilago kayo sa biyaya at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian ngayon at magpakailan man. Siya nawa.